ADANTE, ELMA R. ( Di – Nalathalang Masteral Tesis, University of Nueva Caceres , Lunsod ng Naga, 2000)
Pangunahing Ideya: Pagsusuri ng mga iisahing yugtong Dulang Tagalog
Ang pag-aaral na ito ay nauukol sa pagsusuri at pag-uugnay sa kasalukuyang lipunan ng 20 dulang Tagalog na isasaling yugto na nanalo sa “ Carlos Palanca Memorial Awards” ng una at pangalawang gantimpala mula sa taong 1985 hanggang 1995.
Nilayon ng pag-aaral na ito na masagot ang sumusunod na mga katanungan: (1) Ano ang paksang-diwa ng mga dula? (2) Anong mga pandulaang kagamitan ang taglay ng mga dula na naglalarawan ng sosyo-pulitikal na dimensyon? (3) Ano ang katuturan at kaugnayan ng mga nilalaman ng mga dula sa kasalukuyang kaganapan sa ating lipunan?
Ang naging kongklusyon ng isinagawang pag-aaral ay ang mga sumusunod : (1) ang mga paksang-diwang inilahad ay may pagkakaiba sa bawat isa sapagkat iba't ibang manunulat ang sumulat ng dulang iisahing yugto na may kanya-kanyang pananaw, panahon at pangyayaring binatayan. Kakikitaan ito ng panunuliksa sa mga kasamaan at katiwalian ng lipunan at pulitika; (2) Ang husay at talino ng manunulat ay makikita sa pagbuo ng iba't ibang paksang-diwa at akda; (3) Ang pagkakaroon ng iba't ibang paksang diwa sa akda ay hamon sa mananaliksik para sa pagsusuri;(4) Ang mga pangalang ibinigay sa mga tauhan ay nababagay sa kanilang mga katangiang tagkay dahil hanggang sa ngayon ay nakikita sa lipunan; (5) Ang mga tagpuang ginamit ay angkop sa kabuuan ng dula; (6) Ang mga dayalugong ginamit ay kababakasan ng pagiging makatotohanan ng dula. Gumamit ng mga salitang balbal, pagmumura at Wikang Ingles upang ipaabot sa mga mambabasa ang damdamin ng mga tauhan maging ang tunay na diwa ng paksa; (7) Nagaganap pa rin sa kasalukuyang panahon ang mga pangyayaring nakapaloob sa paksang-diwa sa bawat dula; (8) Nakatulong ng malaki ang mga pandulaang kagamitang ginamit sa bawat dula na nagpatingkad sa nilalamang diwa upang mapalitaw ang mga pangyayaring may kaugnayan sa sosyo- pulitikal na dimensyon.